Wednesday, June 6, 2012

KM3: Tinig (Adik)


Iniabot sa iyo ang pinapangakong kapirasong langit at ito'y walang pagtanggi mong kinuha

Hithit buga...hithit buga...

Daglian mong mararamdaman ang tama ng opyum, dala ng dayuhang kumikinang sa kalaliman ng gabi.
Iindak kahit puro kaliwa ang mga paa at aawit kahit wala sa tono. Liliban sa mga pangakong iyong isinumpa sa harap ng bansag mong watawat. Magiging sugapa at lunod sa kinang ng makabagong bagay
Ikaw ay mananatiling idlip, lulan ng panaginip na sa dako paroon may kasaganaan at walang pagdaralita
Ika'y lilisan sa katotohanan at sa tayog mo ay hindi ka na lilingon pang muli, at ang iyong dunong sa banyagang kalinangan ay magiging matatas.

Hithit buga...hithit buga...

Unti-unti Ika'y magiging isa, sa hulmahan ng lipunang balot ng ganid at mapanghusga. Sa saliw ng bagong himig ika'y iindayog, dahil ito ang magdidikta ng katumpakan at balikuko. Natatanaw, nasasambit, naririnig ang sigaw ng iyong lahi. Ngunit pilit mo itong ikukubli 

Hithit buga...hithit buga...

Uulit ka hanggang sa ika'y dalhin sa panandaliang kaluwalhatian. Daloy ang libog at halinghing ng bagong pakiramdam, Ika'y papalaot sa hibang na estado. May piring ang mga mata, busal ang mga bibig, at takip ang mga tainga. Walang bulong at wika na makakapukaw sa taong lunod ng banyagang impluwensiya at animo'y anino lang ang nakagisnan at lupang sinilangan. Ika'y nabubuhay sa panibugho at pagpapanggap 

Hithit buga...hithit buga...

Sino nga ba, sino ang tagapagligtas sa ligaw mong lahi? Mga kabataang nagwewelga, mga guro ng kasaysayan at panitikan? O mga dalubhasang batid ang sinauna? 

Hithit buga..hithit buga...

Wala na bang lilingap sa iyong pinanggalingan? Wala na bang hahango sa tinig na pilit pumipiglas sa iyong kaibuturan? May bukas pa nga ba? Nauubos, nauupos.
At tangan ng usok at tuluyang upos ang namumutawing tinig.
Sa kadiliman ay may siwang ng pagasa...kung saan nagmumula, yan ay hindi tiyak

Hithit...bug...





****************************************

Unang subok at sabak sa Kamalayang Malaya ni Ser J Kulisap. 

Once again nagmental hemorrhage na naman me...Kainaman nomon!!!







9 comments:

  1. may itinatagong mensahe ang post na ito na sa tingin ko'y may ilan lang ang makakaalam

    ReplyDelete
  2. Naiintindihan ko ang sinabi ni Sir Bino. Magaling ang pagkakasulat, Tab, lalo na ang laro ng mga salita :)

    ReplyDelete
  3. ikaw na jud tabian... kani ron kinsa jud bitaw mutabang ana nila... kaninong tinig ang hihintayin nating umalalay sa kanila...

    Gudluck sad sa entry...

    ReplyDelete
  4. batid ng makakaunawa ang mensahe sa tinig na ibinulas sa sulating ito. hindi malayo ang kasaganaan ng sarili, malapit lamang kung ang linang na pinag alab ng masidhing damdamin ay sa sariling pinagmulan magagamit.

    nganga ako sa kagandahan ng iyong panulat :)

    ReplyDelete
  5. ang sarap halukayin ng post mo na ito.

    tumatagos ang iyong tinig sa kabila ng pagsayaw ng mga letra ginamit.

    magaling!

    ReplyDelete
  6. isa ito sa mga paborito ko ..

    masustansiya ..

    malaman.

    malalim.

    magaling.

    Goodluck sexy :)

    ReplyDelete
  7. ang husay po ng konsepto niyo. galing! inferness at unang subok pa la ito!

    ReplyDelete
  8. kakaiba naman ito...mahusay ang paglatag ng mga mensahe.....i agree to all of the above...

    ReplyDelete
  9. Ang iyong tinig ay pang-adik. Ang iyong tinig ay pangmulat sa nalalangong diwa nating mga Pilipino. Tayo ba'y uto-uto dahil madali tayong mapapaniwala na kapag banyaga'y maginhawa't sagana? Maginhawa at sagana saan?

    Ang pagyakap sa iba, bilang nauuso naman ang globalisasyon ay pangkaraniwan na lamang sa ngayon. Ang iba nating mga kababayan na tumutulak at makipagsapalaran sa ibang bansa ay isang larawan na di kayang ikubli ng usok ng opyum ng reyalidad. Para sa Pilipinong nais umunlad ang papapagawi sa kabilang dagat o bundok.

    Ngunit umaasa pa din ako na ang alingawngaw ng tinig na naririnig sa lahi ng kayumanggi ang musikang magpapagising sa mga natutulog, ang magpapagaling sa mga nalulong sa kakaibang dulot ng iba.

    Maraming salamat sa pakikilahok sa KM3: TINIG.

    ReplyDelete