Thursday, April 19, 2012

Utang





Para sabihin ko sayo, lintik lang ang walang ganti!


Wala akong nagawa ng pinadala ako ng Inang sa Maynila para maging katulong sa tiyahin ko. Pambayad utang daw. Nagkasakit kasi ang Itang, nang lumaon hindi na nya nakayanan ay bumigay na ito.
Si Tiya Mercing ang gumastos ng burol pati na rin pagpapalibing, bilang siya naman ang may kaya. Kaya siguro ganun nalang ang utang na loob ng Inang sa kanya.


Sanay naman ako sa gawaing bahay kung tutuusin, ako kasi ang panganay sa sampung magkakapatid. Kaya ko naman tiisin ang lahat. Pero ang hindi ko maiintindihan ay ang pagtrato sa akin ng tyang.
Wala akong pinagsabihan sa mga masaklap na sinapit ko sa kamay niya. Maraming beses na pananakit at pagpapahirap ang dinanas ko. Normal lang sa isang araw ang ingungud-ngud niya ang pagmumukha ko sa sahig, sampal, at pagpapamukha sa akin na ako'y isang palamunin. 


Nang minsan nga nagpiprito ako ng galunggong ay walang habas nyang tinabig ang kumukulong mantika sa akin. Lapnos ang kanan kong kamay at ilang gabi din akong hindi makatulog dahil sa pinaghalong hapdi at sakit. Naryan pa ang ipagtitimpla ko sya ng kape at pag hindi nya nagustohan ang lasa ay walang pagdadalawang isip na itatapon ito sa pagmumukha ko. Hindi rin nakaligtas ang binti ko sa plantsa, pag may nakita itong konting gusot sa kanyang blusa. 


Higit pa sa pananakit nyang pisikal ay ang mga salitang nag iwan ng sugat sa aking pagkatao.


"Palibhasa, walang alam 'yang nanay mo kundi magparami ng lahi", kanyang tinuran sabay duro sa aking noo.


"Kung tutuusin kulang ka pang pambayad utang. Kung hindi lang sana naglumandi ang pokpok mong lola sa tatay ko ay buo pa sana ang pamilya namin." 




Hikbi at luha gabi-gabi ang tila saksi sa mala malignong trato sa akin ng tyang. Ang mga alaala ng Inang, Itang at mga kapatid ko ang nagpapatahan sa akin sa mga panahong 'yun.At ang larawan ng aming pamilya; ang tanging kayamanang pinakaiingatan ko. Pilit itong iniipit sa lumang aklat ko sa panitikan. Ang una at huling aklat na aking hiniram sa silid-aklatan. Ang una at huling paalala ng aking murang isipang nangangarap na makapagtapos sa pag-aaral. Sabi ko sa sarili ko, na isang araw ay makakaalis din ako sa empyernong lugar na ito. Balang araw ay magkakasama kami ng aking pamilya.


Dahan dahan akong dinala ng aking himbing na tulad ng saranggolang lipad sa kalayaan ng ulap at langit; na kahit man lang sa panaginip ay hindi ko maramdaman ang sakit. 


Kinabukasan, nagising ako sa kalabog at sigaw ng tyang.


"Hoy batugan, gising!" 


Binuksan nya ang aking nakakandadong silid, lumapit sa akin at hinila ang aking mahabang buhok. Kinaladkad ako ng tyang palabas, tinulak sa silyang malapit sa hapag at tinadyakan sa may baywang. Hindi ko mailarawan ang sakit sa mga pagkakataong iyon. Napaluha nalang ako at nagmakaawa.


"Tyang tama na po." ang aking nasambit.


"Anong tama na? Alam mo bang nasisante ako sa kagawaran dahil sa katangahan mo?" 


"Bwesit kang bata ka, kahit kailan malas ka talaga...malas kayo ng pamilya mo!" kanyang sigaw.


"Wala naman po akong ginagawa tyang" mahina kong sagot.


Nanlilisik na ang kanyang mga mata at umaapoy sa galit.
Hindi pa nakontento at hinambalos pa sa akin ang tsinelas nya. 
Hindi na rin ako nakailag at lumagapak ito, sapol na sapol ang aking pisngi.
Pilit kong sinangga ang kanyang mga hampas at sabunot pero mahina na ang aking katawan. Buhat na rin siguro ng mga pasa at mga sugat ng nakaraang araw na pagmamaltrato nya sa akin. Nagpaubaya nalang ako sa kanyang pananakit hanggang sa sya'y mapagod. Kinuha nya ang silyang malapit sa kanya at ito'y naupo. Hingal ngunit patuloy parin sa pagbulyaw. 


Naramdaman ko nalang na may mala likidong dumaloy sa aking ulo. Kinapa ko ito at tinitigan. 


Dugo. 


Nagdilim ang aking paningin at ako'y nawalan ng ulirat.




Gabi na nang ako'y magising. Tahimik ang paligid, pero parang may kakaiba sa akin at sa kung saan ako nakahiga. Sa kabila ng sakit ng katawan ay bumangon ako para siyasatin ang aking paligid. Pilit kong inaaninag ang lugar kung nasaan ako.


Malawak at luntiang damuhan, mga puno, mga kuliglig at kulisap na may kislap sa puwitan. Nasaan ako? Tanong ko sa aking sarili. Napansin kong nanlilimahid ako sa dugo at may palang dala. Paglingon ko sa di kalayuan may nakita akong hukay, nilapitan ko ito at sa gulat ay nabitawan ko ang pala.


Ang tiya Mercing ko, nasa loob ng hukay at punong puno ng dugo. 
Pilit kong inalala kung ano ang nangyari, kung bakit ako nasa lugar na ito at patay na ang tyang. Ni sa hinuha ay hindi ko akalain na aabot ng ganito. 




"Ano pang hinihintay mo dyan? Pasko?" sabi ng pamilyar na boses. "Tabunan mo na yang hukay!" dagdag nito. 


Lumingon lingon ako para makita ang pinagmumulan ng boses, ngunit isang anino lang sa kalapit na puno ang aking naaninag. 


"Wala ka nang dapat ipangamba. Tinapos ko na ang paghihirap mo" 


Pamilyar talaga ang boses, sigurado akong narinig ko na ang boses na 'yun. Dahan dahang lumapit ang anino, palapit sa aking kinatatayuan.


Isang hakbang, dalawa, tatlo...


Hanggang sa masilayan ko ang tila bayani na nagligtas sa akin. 


Siya'y may mahabang buhok at nakabestida na pamilyar din. Malabo ang kanyang mukha, kaya ako'y humakbang palapit sa kanya. Nahulog ang aking panga sa gulat.


Nakita ko ang isang babaeng duguan ang ulo...


Nakita ko ang aking sarili. 


Ako ang pumatay sa tiyahin ko. 


Ako. 


Tinapik ako ng lalaking naka asul na uniporme. 


"Inaamin mo nga talaga na ikaw ang pumatay sa tiyahin mong si Mercedita Concepcion?" kanyang tanong.












Nakatungo akong nakangisi. 




**********************************
Susme, dugo dugo gang na naman ako sa pakontes chuvaness na itey. 
Ito ang aking munting lahok sa Bagsik ng Panitik ni Ser Bino.